Friday, May 23, 2014

Road to Emmaus



Road  to Emmaus: A Walk to Remember
(Luke 24:13-35)

Ang buhay ay parang basketball. Nahahati sa apat na quarter.
                First Quarter – 0-20 years old
                Second Quarter – 21-40 years old
                Third Quarter – 41-60 years old
                Fourth Quarter – 61-80 years old
                Overtime – 81 years old and above
Ikaw anong quarter mo na?
Ito ang pagkakataon upang pagnilayan kung ano ang nangyari, nangyayari, at mangyayari sa buhay mo. Ang bawat quarter ay may kanya-kanyang tema at mensahe mula sa TAAS. Ito ang tema at mensahe sa aking buhay ngayon.
First Quarter (Ang Paghahanda)
                Ako ay sinilang sa piling ni Inay Candi at doon din nag-aral hanggang elementarya. Nagpasyang lumipat ang aming pamilya sa Laguna upang ipagpatuloy ang aming pag-aaral.
                Pangungulila.
                Bagong paligid.
                Walang kalaro.
                Itinuon ko ang aking sarili sa pag-aaral. Nagbunga naman ang lahat hanggang ako ay nakatapos ng kolehiyo at nagkatrabaho.
                Sa bahagi ng buhay kong ito may mga kumintal sa aking isipan. Higit kong naunawaan ang mga ito nung nagkaroon kami ng reunion ng elementary classmates ko. Bakit nga ba kailangan ko pang lumayo?
Ø  People come and go: Kailangan tanggapin na hindi lahat ng taong nakakasalamuha (kabigan, pamilya, kaklase etc.) ay mananatili habangbuhay. May kanya-kanya silang lakad.
Ø  Ang bawat nilalakaran ng tao ay ang mga daang nilatag ng Diyos para sa kanila. God has a plan for each one of us.
Ano ang plano ng Diyos para sa iyo?
Saan ka Niya hinahanda?
Paano ka Niya hinanda?

Second Quarter (Ang Pagdedesisyon)

Inihanda ako ng Diyos upang magturo habang pinatatatag ko ang aking pananampalataya at pagpapatibay sa sarili. All in one ika nga.
Pero ganito na nga lang ba ang takbo ng buhay ko sa araw-araw?
Para saan pa kaya ako hinahanda?
Naglakad ako doon sa labyrinth circle at natagpuan ko ang sagot habang nakatitig sa puno ng avocado. Kailangan ko daw mamunga tulad ng avocado, hitik sa bunga.
Hindi pa tapos ang quarter na ito. May mga bilin lang Siya para sa akin.
         Learn as many as you can.
               I am moulding you to become a better person.
        Do not be afraid of your JERUSALEM.  

                            Break bread with Me.
Hindi pa tapos ang quarters ng buhay ko. Tuloy ang lakad papuntang Jerusalem. Maaaring maglakad ako muli papuntang Emmaus (disciples’ place of retreat) pero ang presensya ng panginoon ay laging nandyan san mang daan ang tahakin.

Wednesday, January 4, 2012

Faith


Napakasaya ng puso ko.
Sa wakas! Nagawa ko rin ang dapat kong gawin.
Kahit maghintay pa ako ng 2012.
Ayaw ko lang ulit magsisi.

Maniwala.
Maging matapang.
Sumubok.
Walang mawawala.
Maniwala.
Faith.

Tuesday, May 24, 2011

Labyrinth Circle



"Sa inyong pagninilay ay maaari kayong pumasok dun sa puzzle circle na nasa Garden", ito ang mga salitang binitawan ni Sister habang nagbibigay ng orientation sa Betania Baguio. Tahimik ang lahat. Di ko lang sigurado kung interesado ang lahat sa bilog na yaon. Retreat.

FIRST TRY
Lumakad lang ako. Gusto ko lang makarating sa gitna. Malapit na ako. Andyan na. Wait lang. Bakit ako lumalayo? Lakad. Malayo na ako. Wait lang. Ahhhhhhhh! Ito pala ang daan. Uulan na! Di ko na nasubukang balikan ang aking mga dinaanan.
Liwanag: Mabuti sa buhay na alam mo ang iyong patutunguhan - life's purpose and goal. Sa kaso ng bilog, iton ang gitna. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay tatakbo ang mga pangyayari ayon sa iyong kagustuhan. Maaari kang lumayo sa gitna, mag-iba ng daan. Ngunit magugulat ka na lang na makakarating ka rin sa finish line.

SECOND TRY
Tapos na ang dalawang araw na retreat. Uuwi na kami bukas. Nag-try uli ako na lakaran ang bilog. Maganda ang realization ko nung unang araw. Pano naman kaya ang huling araw? Parang pre-test at post-test lang.
Lakad. Walang tao. Namamalengke silang lahat. Mas sumibol ang mga halaman kaysa dati, pati na ang mga damo. Naisip ko lang na mas maganda kung may lumalabas na bulaklak sa mga daang aking nadaanan. Maganda, parang pelikula. Di na ako nababahala sa mga daang aking dinaraanan. Sinusulit ko na lang ang mga sandali na inaapakan ko ang mga damo at habang ako ay nakatungtong sa lupa. Nasa gitna na ako. Ngayon alam ko na kung ano ang tungkulin ko sa buhay - magpatubo at magpamukadkad ng mga saradong bubot na bulaklak.
Balik na ako. Ngayon sususurin ko ang mga daang inihain sa akin. Napakaganda.
Liwanag: Lahat ay mas malinaw kung ang iyong loob ay may kapanatagan. Kasama mo Sya lagi. May karamay ka at may aalalay sa iyo. "Let His will be done". Bawat tao ay may tungkulin. Naging malinaw sa akin na ako ang magpapatuloy ng sinimulan ni Kristo - ang maging guro.

Subukan mong lumakad sa parehas na bilog. Baka makita mo kung ano ba talaga ang tungkulin mo sa buhay.

Sunday, April 17, 2011

Nakaadang mga Kamay

Mabilis ang aking lakad.
Ang mga paa ko ay may sariling direksyon habang ang aking puso at mata ay napako sa kanya.
Kung pag-aari ko lang ang mundo...

Anong ginagawa nila dito?
Sila ang marka ng kahirapan sa lansangan.
Kung pag-aari ko lang ang mundo...
Iipunin ko sila sa lugar na kung saan makakahukay sila ng ginto.

Masisisi mo ba sila?
Sila ang buhay na patunay ng pagkakaiba ng bawat hininga.
Kung pag-aari lang nila ang mundo...

Saturday, May 16, 2009

My Redeemer Lives_Acoustics



The background of this simple presentation is a song entitled My Redemeer Lives by Nicole C. Mullen. This is my own rendition. Not that brilliant but good, I guess. Hope you like it. I have recorded several songs but I am having hard time converting it to video. Pagtyagaan nyo itong isang kanta hahahaha.

Thursday, May 7, 2009

Basang Rosas



hayaan mong ika'y pagmasdan,
hanggang ang iyong ganda'y sa isipa'y di mawalay...

hayaan mong ika'y aking hawakan,
kahit ang iyong tinik dulot ay kasawian...

hayaan mong ika'y aking buhusan,

ng tubig mula sa puso kong may dakilang bukal...






Wednesday, May 6, 2009

Musika sa aking mga Letra

Subukan mong sumulat ng kahit anong tula...
basahin mo ng paulit-ulit...
Mayroon kang mabubuong tono...
Tono na likas sa iyo...


Naniniwala ako na bawat isa sa atin ay may kani-kaniyang tono. Huli na rin nang aking matuklasan ang kalikasang iyon. Sumusulat ako ng tula at pag ito'y aking sinusuri ay mayroong nabubuong himig o tono. Ang letra ay mayroong sariling buhay!
Mabibilang sa daliri ang mga naisulat kong kanta. Iyong iba ay para sa Christmas Party pero nalimutan ko na kung saan ko nailigay ang piyesa. Ngunit mas marami iyong mga kanta na ginawa ko para sa mga babae ng aking buhay. Narito sa ibaba iyong isang kanta na ginawa ko para sa isang babaeng naging malaya mula sa mundo niyang napakabilis.