Tuesday, May 24, 2011

Labyrinth Circle



"Sa inyong pagninilay ay maaari kayong pumasok dun sa puzzle circle na nasa Garden", ito ang mga salitang binitawan ni Sister habang nagbibigay ng orientation sa Betania Baguio. Tahimik ang lahat. Di ko lang sigurado kung interesado ang lahat sa bilog na yaon. Retreat.

FIRST TRY
Lumakad lang ako. Gusto ko lang makarating sa gitna. Malapit na ako. Andyan na. Wait lang. Bakit ako lumalayo? Lakad. Malayo na ako. Wait lang. Ahhhhhhhh! Ito pala ang daan. Uulan na! Di ko na nasubukang balikan ang aking mga dinaanan.
Liwanag: Mabuti sa buhay na alam mo ang iyong patutunguhan - life's purpose and goal. Sa kaso ng bilog, iton ang gitna. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay tatakbo ang mga pangyayari ayon sa iyong kagustuhan. Maaari kang lumayo sa gitna, mag-iba ng daan. Ngunit magugulat ka na lang na makakarating ka rin sa finish line.

SECOND TRY
Tapos na ang dalawang araw na retreat. Uuwi na kami bukas. Nag-try uli ako na lakaran ang bilog. Maganda ang realization ko nung unang araw. Pano naman kaya ang huling araw? Parang pre-test at post-test lang.
Lakad. Walang tao. Namamalengke silang lahat. Mas sumibol ang mga halaman kaysa dati, pati na ang mga damo. Naisip ko lang na mas maganda kung may lumalabas na bulaklak sa mga daang aking nadaanan. Maganda, parang pelikula. Di na ako nababahala sa mga daang aking dinaraanan. Sinusulit ko na lang ang mga sandali na inaapakan ko ang mga damo at habang ako ay nakatungtong sa lupa. Nasa gitna na ako. Ngayon alam ko na kung ano ang tungkulin ko sa buhay - magpatubo at magpamukadkad ng mga saradong bubot na bulaklak.
Balik na ako. Ngayon sususurin ko ang mga daang inihain sa akin. Napakaganda.
Liwanag: Lahat ay mas malinaw kung ang iyong loob ay may kapanatagan. Kasama mo Sya lagi. May karamay ka at may aalalay sa iyo. "Let His will be done". Bawat tao ay may tungkulin. Naging malinaw sa akin na ako ang magpapatuloy ng sinimulan ni Kristo - ang maging guro.

Subukan mong lumakad sa parehas na bilog. Baka makita mo kung ano ba talaga ang tungkulin mo sa buhay.

Sunday, April 17, 2011

Nakaadang mga Kamay

Mabilis ang aking lakad.
Ang mga paa ko ay may sariling direksyon habang ang aking puso at mata ay napako sa kanya.
Kung pag-aari ko lang ang mundo...

Anong ginagawa nila dito?
Sila ang marka ng kahirapan sa lansangan.
Kung pag-aari ko lang ang mundo...
Iipunin ko sila sa lugar na kung saan makakahukay sila ng ginto.

Masisisi mo ba sila?
Sila ang buhay na patunay ng pagkakaiba ng bawat hininga.
Kung pag-aari lang nila ang mundo...